Biyernes, Hunyo 29, 2012

Ang Kuwento Ni Mabuti


Ang kuwento ni mabuti
ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya't nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako'y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay… Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya. Siya'y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya'y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang mga pumalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraangalirip, iyon ay nagging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay. "Mabuti," ang sasabihin niya,"… ngayo'y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama't umabot tayo nsa bahaging to… Mabuti…Mabuti!" Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akonginsangt lumuluha nang hapong iyon'y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin Noo'y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu=bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan,pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. "Mabuti't may tao pala rito," wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. "Tila may suliranin mabuti sana kung makakatulong ako." Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan, ay ibinilang kong kahihiyan at kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan. "Hindi ko alam na may tao rito"…..naparito ako upang umiyak din." Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa'y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo'y siyang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo'y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit siya'y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya'y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nng bigla kong makaalala. "Siyanga pala, Ma'am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta niyo sa sulok na iyon na…iniiyakan ko?" Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; "ang sulok na iyon na . . . iniiyakan natin. . . nating dalawa." Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig:"sanay'y masabi ko sa iyo, ngunit…ang suliranin. .kailanman. Ang ibig kong sabihin ay . . maging higit na mabuti sana sa iyo ang. . .buhay." Si Mabuti'y nagging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglkalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. "Iniiyakan natin," ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo'y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kuing nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong. . .aming dalawa…. At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinsabi. Ngunit, sa tuwina, kasyahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno nya ng maririkit na guni-guni an gaming isipan at ng mga tunog ang aming mga pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay nagging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako'y humanga. Wala iyon bdoon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi nagging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan. Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na kiaraniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan. Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buonmg panahon ng pag-aaral naming sa kanya, Ngunit bumabanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak.. .nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya'y hindi balo. Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki ng mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon niyang baka siya ay hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang sa mga bagay na "pinagtitiisang" pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit niyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa man ay nabubuo na sa akingt isipan ang isang hinala. Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya'y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon niya'y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: "Gaya ng kanyang ama!" Narinig n gaming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya'y nagsalita. "Oo, gaya ng kanyang ama," ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Matitiyak ko noong may isang bagau ngang mali siya sa buhay niya. Mali siya nang ganoon na lamang.n At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang pusoko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, "Oo, gaya ng kanyang ama," habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimtan kailanman. Tiningnan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang pagngionig ng mga labi at sinabi ang ganito: "Mabuti.. mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalkungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahn. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…" Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mgan lihim na kalungkutan ay nakakilala ng mga lihim na kaligayahan. At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng mukha niya,muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng mbatang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat……



                                           Buod ng Luha ng Buwaya
                                                    ni Amando V. Hernandez
Umiikot ang kwento ng Luha ng Buwaya sa tunggalian ng mayayamang may-ari ng lupa at ng kanilang mga inaaping magsasaka sa bayan ng Sampilong ilang taon matapos ang pananakop ng mga Hapones. Nagsimula ang kwento sa pag-uwi ni Maestro Bandong Cruz sa Sampilong upang humalili sa dating punong-guro na nagbakaston muna dahil sa karamdaman. Nagkataon naman na magkakaroon ng malaking handaan sina Don Severo at Doña Leona Grande, ang mga pinakamayaman sa Sampilong, bilang pagsalubong sa kanilang dalawang anak na sina Jun at Ninet. Ang magkapatid ay umuwi sa Sampilong mula sa kanilang pagtatapos sa Maynila. Ang pamilya Grande ay lubhang mapang-api sa kanilang mga magsasaka , at hindi lamang ngayong malapit na ang piging ngunit kahit noon pa man. Sila'y lagging walang-awang sumisingil ng mga nagkakapatong-patong na utang ng mga mahihirap na magsasaka. Isang halimbawa ng kanilang kalupitan ay, ilang araw matapos ang handaan, namatay ang asawa ng isang magsasaka dahil hindi pinagbigyan ng mag-asawa ang hiling ng lalaki na huwag munang kunin ang kanilang pera upang mayroon siyang maipambili ng gamot para sa kanyang maysakit na asawa.

Dumating ang mga pangyayari sa puntong napuno na ang mga mahihirap na magsasaka at naisip nilang magtayo ng isang unyon para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan. Sila ay tinulungan ng butihing punong-guro na si Bandong. Sa tulong nito ay namulat ang isipan ng mga tao sa Sampilong at gumanda ang kalagayan ng mga mamamayan. Ngunit patuloy na umiral ang kasakiman ng mga Grande at tinangka nilang kamkamin ang lupaing kung tawagin ay 'Tambakan' o 'Bagong Nayon' at hinabla ang mga mahihirap upang mapigilan ang kanilang mga plano. Di nagtagal at nakarating ang mga balitang ito sa mga Grande sa pamamagitan ng kanilang katiwala na si Dislaw, ang karibal ni Bandong sa panliligaw sa magandang dalagang si Pina, at sila'y gumawa ng paraan upang matanggal si Bandong sa pagkapunong-guro sa paaralan. Nalaman ni Bandong kung sino ang mga may galit sa kanya at tahasa na siyang nakiisa sa mga plano at hinanaing ng mga maralitang tao ng Sampilong. Sinubukan nilang dalhin ang problema sa korte at ayusin ito sa harap ng hukuman ngunit nagkaproblema sila dahil sadyang maimpluensya ang mga Grande. Di naglaon ay napabalitang ang lupaing iyon ay hindi pala sa mga Grande, at sa halip ay pagmamay-ari ito ng isa nilang kasamahan na si Andres. Sa huli ay napawalang-sala rin ang mga inosenteng mahihirap at nabigyan ng hustisya.

Huwebes, Hunyo 21, 2012

Ang Pag ibig ni Emilio Jacinto


Ang Pag-Ibig 
ni Emilio Jacinto 

Sa lahat ng damdamin ng puso ng Tao ay wala nang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig. 
Ang katuwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang maykapal at 
ang kapwa Tao ay siya lamang mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig. Kung ang masama at matuwid ay ninanasa rin ng loob, Hindi ang pag-ibig ang siyang may udyok kundi ang kapalaran at ang kasakiman. 

Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga bayan ay Hindi magtatagal at karakarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon na kahoy na niluoy ng init at tinanggay ng hanging mabilis. 

Ang tunay na pag-ibig ay walang iba kundi iyong makaka-akay sa Tao sa mga dakilang gawa sukdulang ikawala ng buhay ng sampu ng kaginhawaan. 

Ngunit ang kasakiman at ang katampalasan ang nag-aanyo ring pag-ibig minsan, at kung magkagayon na ay libu-libong mararanal na kapakinabangan ang nakakapalit ng ga patak na pagkakawanggawa na nagiging tabing pa man din ng kalupitan at ng masakim na pag-iimbot sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig. 

At ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig na tanging binabalungan ng matatamis na ala-ala sa nag daan at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating mga kahirapan at pagkadusta, ang pag-ibig na siyang magiging dahilan lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay. 

Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang mag babatang, mag-iiwi sa mga sanggol? At mabubuhay naman kaya nag mga anak sa sarili lamng nila? Kung ang anak naman kaya ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang kanilang magigigng alalay sa katandaaan? Ang kamalayan ay lalong matamis kaysa buhay na parang matandang nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang pagod na mga mata ay wala ng malangapang mag-aakay at makaka-alaiw sa kanyang kahirapan. 

Ang pagkaawa sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran hanggang sa tayo'y mahikayat na sila'y bahaginan ng kaunting kaluwagan; ng ating pagtatanggol sa naapi hanggang sa ipasanganib at damayan natin ang ating buhay; ang pagkakawanggawa sa lahat kung tunay na umuusbong sa puso, alin ang pinagbubuhatan kundi ang pag-ibig? 

Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at kaginhawaan; kailanpawa't sapin-sapin ang dusang pinapasan ng bayani at kanyang buhay na nalipos ng karukhaan at lungkot, ang dahilan sapagkat Hindi ang tunay na pag-ibig ang naghahari kung di ang taksil na pitasa yama't bulaang karangalan. 

Sa aba ng mga bayang Hindi pinamamahayan ng wagas at matinding pag-ibig. 

Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkaka-isang magbibiga ng di-mahahapay na lakas na kailangan sa pagsasangalang ng matuwid 

Sa aba ng mga bayang Hindi pinamumuhayan ng pag-ibig at binubulag ng hamak ng pag-sasarili. Ang masasama'y walang ibang ninanasa kundi ang ganitong kalagayan. Gumagaw ng daan tungo sa pag-aalitan, kaguluhan, pagtataniman at pagpapatayan sapagkat kinakailangan sa kanilang kasamaan. Ang hangarin nila ay mapagbukod bukod ang mga mamamayan upang kung mahina na at dukha dahil sa pag-iiringan, sila ay nakapagpapasasa sa kanilang kahinaan at karupukan. 

Oh! Sino ang nakakapagsasalaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig? 

Ang pagkaka-isa na siya niyang kauna unahang bunga niya ay siyang lakas at kabuhayan, at kung nagkakaisa na't nag-iibigan ang lalong nalalabing hirap ay magaang pasanin, at ang muling ligaya'y ang ganito, ay di matataos ng mga pusong Hindi nakadarama ng tunay na pag-ibig. 

At upang makapagkilalang magaling na pag-ibig ay siya ngang susi at mutya ng kapayapaan at ligaya, ikaw na bumabasa nito mapagnanakaw mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan mo kaya ang iyong ina't mga kapatid? Hindi, sapagkat sila'y iniibig at sa halip ay dadamayan mo ng iyong dugo at sampung buhay kung silang nakikitang inaapi ng iba. 

Gayundin naman, kung ang lahat ay mag-iibigan at magpapalagayang tunay na magkakapatid, mawawala ang lahat ng mga pang-aapihan na nagbibigay ng madlang pasakit at di mabatang kapaitan. 

Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili ang magandang alala. Ipagpalagay na may tapat na nais at tatawagin na marurunong ang mabuting mapaparaan upang magtamasa sa dagta ng iba, at ituturing na hangal yaong marunong dumamaysa kapighatian at pagkaapi na kanyang mga kapatid. 

Maling mga isip at ligaw na loob ang manambitin sa mga hirap ng Tao na inaakalang walang katapusa. Sukat ang matutong magmahal at manariwang muli sa mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa at ang tinatawag na bayanng hinagpis ay matutulad sa tunay na paraiso.


Sa Aking Kababata ni Dr. Jose Rizal

Sa Aking Mga Kababata
ni José Rizal 

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.
                                                                              
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa 
Na tulad sa inang tunay na nagpala.                  
 
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
 
Ang salita nati'y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.