Martes, Nobyembre 20, 2012

Mga hudyat ng Bagong kabihasnan ni Simon mercado

                          Mga Hudyat ng Bagong Kabihasnan

ni Simon A. Mercado

1 Kumislap ang isip ng pantas na malay
2 At ang sandaigdig ay naliwanagan
3 Nagsipamulaklak ng dunong na yaman
4 Ang nangagpunyaging paham na isipan;
5 At tayo’y nagising sa bagong kandungan
6 Ng pagkakasulong ng sandaigdigan!

7 Natuklas ng dunong na kahanga-hanga
8 Ang Atom na siyang panggunaw sa lupa;
9 Tila niloob ng Poong Bathala
10 Na tayo’y matapos sa sariling nasa;
11 Nakapabingit na sa pagkariwari
12 Ang ating daigdig na lutang sa luha!

13 Sa bagong liwanag ng pagkakasulong
14 Ay nangatuklasan ang lihim kahapon;
15 Ang mundo’y kumitid sa lipad ng dunong,
16 Nalakbay ang langit sa bakal na ibon,
17 Nasisid ang mga dagat na maalon
18 Ng taong palakang nagwagi sa layon!

19 Sa bilis ng bagong nilikhang panuklas
20 Narating ang buwan ng bakal na limbas;
21 Noon naman unang sa buwa’y lumunsad
22 Ang dalawang bunying astronaut na tanyag;
23 Subalit hindi pa lubos na matiyak
24 Kung ang buhay rito doo’y magluluwat.

25 Sa niyanig-yanig ng mundong mabilog
26 Kapag may malaking bombang sinusubok,
27 Ang ehe ng mundo ay baka mahutok
28 At saka malihis sa kanyang pag-ikot
29 Pag ito’y nangyari, mundo’y matatapos
30 Dahil sa paghinto ng kanyang inog!

31 Hindi lamang iyan, may panganib pa ring
32 Ang mundo’y matapos hindi man mithiin,
33 Sa dalawa kayang malakas ay alin
34 Ang hindi magnasang ang isa’y linlangin?
35 Mundo’y matatapos, dapat na tantuin,
36 Sa sandaling biglang ang isa’y magtaksil!

37 May panganib pa rin sa bawat pagsubok
38 Ng bombang may lasong buga sa fall out;
39 Ito kung pumuksa sa tao’y kilabot
40 Higit na mabangis sa alinmang salot;
41 Pag ito’y kumalat sa katakut-takot,
42 Walang mabubuhay sa buong sinukob!

43 Sa ngayon, ang hanging ating nalilingahap
44 Ay may kahalo nang maruruming sangkap;
45 Kapag ito’y hindi nalunasan agad
46 Ay sa lason tayo mapupuksang lahat;
47 Kung bakit ang tao’y habang umuunlad
48 Saka nalalapit na lalo sa wakas!

49 Nang ang Hiroshima’t Nagasaki’y minsang
50 Bagsakan ng bombang karaniwan lamang,
51 Sa dalawang pook na pinaghulugan
52 Ay napakaraming nakitlan ng buhay;
53 Kung ang ibabagsak ay bombang pangunaw
54 Dagat na ang Hapon sa kasalukuyan!

55 “Pag bombang awtom ang siyang ginamit
56 Sa Luson, Bisaya, Mindanaw, karatig,
57 Dahilan sa lakas na napakalabis
58 Ang sangkapulua’y lulubog sa tubig;
59 Huwag nawa sanang loobin ng Langit
60 Na ang Santinakpa’y maglaho sa titig!
61 Ang pag-uuganahan ng dalawang lakas
62 Na sa kalawakan ay magharing ganap,
63 Ay nagbabalang di na magluluwat
64 At tayo sa digma’y muling magsisiklab;
65 Maanong loobin ng Nasa Itaas
66 Na huwag na sanang dumating ang wakas!

67 Ang Arabya, Jordan, Israel, Ehipto
68 Cambodia’t Vietnam, nag-iipu0ipo;
69 Ang hihip ng hangin kapag di nabago
70 Sa apoy ng digma’y masusunog tayo;
71 Lalo pag ang Tsina’y nagtaas ng ulo
72 At saka ang Rusya’y gumamit ng Maso!

73 Nais na lagumin ng Maso at Karit
74 Kung magagawa lang, ang lupa at langit;
75 Ang Agila naman sa pagpupumilit
76 Na siyang mauna’y hindi matahimik;
77 Bakit ba kung sino ang sa yama’y labis
78 Siyang mapangamkam, siyang mapanlupig?

79 Wala pang sanggol sa kasalukuyan
80 Sa pambobombang higit ang labis sa ingay,
81 Kaya kapag tayo’y biglang sinalakay
82 Di makakahanda nais mang lumaban;
83 Dahil dito kaya dapat pagsikapan
84 Na mapagkasundo ang sangkatauhan!

85 Hindi nga masamang ang tao’y
86 Lalo kung may mithiing dakila at tapat,
87 Pagkat likas lamang sa taong maghangad
88 Kung nasa ibaba, na siya’y mataas,
89 Ngunit ang masama’y ang magpakapantas
90 Upang ang mabuting binuo’y iwasak!

91 Di dapat gumamit ng mga sandatang
92 Bukod sa pangwakas, may lasong kasama;
93 Idalangin nating magkaisa sana
94 Ang sangkatauhan sa mithi at pita;
95 Pag tayo’y nabubuklod na gintong panata
96 Ang sandaigdiga’y wala nang balisa!

97 Kapag nagkaroon ng lason sa tubig
98 Gayon din ang hangin na dating malinis,
99 Lahat ng may buhay sa Silong ng langit
100 Ay matatapos nang parang panaginip;
101 Saka lamang naman magiging tahimik
102 Kung dito’y wala nang mga manlulupig!

103 Dahil dito kaya kinakailangan
104 Iwasan ang imbot at mga hidwaan;
105 Pagsikapan nating tuparing lubusan
106 Ang aral na tayo ay mangag-ibigan;
107 Sapagka’t ang Eden ay naglaho lamang
108 Nang si Ada’t Eva’y lumabag sa aral!

109 Agawin sa kamay ng imbot at inggit
110 Ang kapayapaan nitong sandaigdig;
111 Sugpuin ang dahas at lakas ng lupit
112 Sa pamamagitan ng Santong Matuwid;
113 Ang Diyos ay gising, di ipinagkait
114 Ang Kanyang saklolo sa api at amis!

115 Kapag ang Ama nang Makapangyarihan
116 Ang siyang nagtatanggol sa aping kat’wiran,
117 Hindi maglalao’t ang sangkatauhan;
118 Ay makakandong na ng kalwalhatian;
119 Saka ang ligalig na sandaigdigan
120 Ay mahihimbing na sa katahimikan.

Pasasalamat:
          Maraming salamat sa Filipino3zchs.com dcahilsa dito ko nakuha ang kopya ng tulang ito, maraming salamat po.

Repleksyon:
          Sa tulang ito ang masasabi ko lang ay,  ang lahat ng bagay dito sa mundo ay pagmamay ari ng diyos maging ang buhay mo kayang bawiin nito, kaya sana tayong mga tao makuntento sa mga ibinibigay niya hindi  yung magiimbento tayo ng makakasira nito.

Banaag at Sikat Amado V. HErnandez

                          Banaag at Sikat 
                                                                   ni Amado V. Hernadez  
 Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.
Banaag at Sikat
Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo
Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.
Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.
Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.
Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.
Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda,  at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid,  dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”
Kayamanan at KapangyarihanMasalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.
Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.
Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.
Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.
Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog.  Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.
Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.
Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.
Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.
Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.
Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira  rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.
Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.

Pasasalamat:
            Naapapasalamat ako sa alimbungad.com dahil dito ko nakuha ang kopya ng banaag at sikat, maraming salamat.

Repleksyon:
            Hanga ako samagkaibigang Delfin at Felipe dahil sa kabila ng pagkakroon nil ng magkasalungat na paniniwala nagkakasundo parin sila sa iisang disisyon na kung maikukumpara natin ngayon ay imposible ng mangyari. Kaya nagpagisipisip ko na kung ang lahat ng tao ay mag kakaroon ng pagkakaisa hindi imposibling magkaroon ng mapayapang buhay ang lahat ng tao sa mundo.

Ang kalupi ni Benjamen Pascual

                             Ang Kalupi
                              ni Benjamin Pascual





Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barung-barong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakakintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa pagkakalapat at maputla, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa hapong iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang magkaroon ng isang anak na nagtapos sa high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang puting-puti, kipkip ang isang libro at nakangiti patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinasabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nabuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang pang  sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang-bayan ng Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwan ang araw na ito at kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog, at dalawang piling ng saging. Bibili rin siya ng garbansos. Gustung-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.
Mag-iikasiyam na ng dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di-magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pakanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang sali-salitang tawaran ng mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang palabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang kaliwang dibdib.
“Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na nga ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kasimeta, punit mula sa balikat hangang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.
“Pasensiya na kayo, ale,” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos–tagbebeinte, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”
“Pasensiya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo ay pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumasok. Paano’t paano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di-mabuti ay sa kanya pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siya na nagdaraan na nakarinig sa kanyang mga sinasabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng isang kartong mantika.
“Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siyang nakaugaliang bilhan. Nakatangi siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ang kanyang anyo.
“Bakit ho?” ani ‘to.
“E … e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
“Ku, e, magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.
“Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin, “E, sandaan at sampung piso.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Maya-maya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakalalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung ang kasuotan nito na maaari niyang pagkilanlan, ang tabas ng mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at ng mangilan-ngilang namimili at mga batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalinga-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon, na di-kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaaring magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos ng tigbebeinte.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.
“Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot ng pitaka ko, ano? Huwang kang magkakaila!”
Tiyakan ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:
“Ano hong pitaka?” ang sabi ng bata. “Wala ho akong kinukuhang pitaka sa inyo.”
“Anong wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at wala nang iba. Kunwa pa’y binangga mo ako, ano, ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke.”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.
“Aba, kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e, banggain ako,” ang sabi niya. “Nang magbabayad na ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko, e, wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglipanang batang gaya niyan.’
“Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”
“Bakit ho, saan ninyo ‘ko dadalhin?”
“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing-kamay ang pag-aalis sa mabutong mga daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang luha at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat  sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong.
“Nasiguro ko hong siya dahil sa, nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pangkat ako’y nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, at lumabas ang isang maruming panyolito, basang uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentemos na papel at ang tigbebeinteng bangos.
“Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta.
“Siya ho at wala nang iba,” ang sagot ni Aling Marta.
“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.”
“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan, e, wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e, naipasa mo na sa kapwa mong mandurukot! O, ano, hindi ba ganoon kayong mga tekas kung lumakad … isa-isa, dala-dalawa, tatlu-tatlo. Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e, ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis. “Hindi natin karaka-rakang madadala ito nang walang ebidensya. Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng iyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”
“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinasabi ko nang binangga akong pasadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?”
Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawin; maya-maya’y muling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata.
“Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis.
Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho, e, may  sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiya  Ines ko nakatira sa Blumentritt, kung minsan naman ho, e, sa mga lola ko sa Quiapo at kung minsan naman ho, e, sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya akong bumili ng ulam, para mamayang tanghali.”
“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa, e.”
Ang walang kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para-para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanilang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”
“Hirap sa inyo, e, sabad kayo nang sabad, e,” ang sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto  n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon n’yo sabihin ang gusto n’yong sabihin. At doon n’yo gawin ang gusto n’yong gawin.”
Inakbayan nito ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang di umiimik na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ilan ay ngingiti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.
“Maghintay kayo rito sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya at pumasok.
Naiwan siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng mga payat na daliri ang ulo ng tangay na bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumapasok sa palengke. Inisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi: dalawa, tatlo, o maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y uuwi na walang dalang ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumulak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin, ay pabalinghat niyang pinilipit sa likod nito.
“Tinamaan ka ng lintik na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, e, ako ang gagawa ng ikakaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay para-parang nangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ang buong panggigigil na kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalala niya ang kalayaan, kalayaan kay Aling Marta at sa dumarakip na pulis, at siya ay humanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingon-likod na tumakbo, patungo sa ibayo ng maluwang na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang binitiwan ng humahabol na si Aling Marta, ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya nang umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng isang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilin sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat  ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala na siyang nakita kundi ang madidilim na anino ng mga mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.
Hindi umiimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin;  sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siya ang binubuntunan ng sisi. Bakit ba ako manganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.
Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kamiseta ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis, ay pamuling nagmulat ito sa paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.
“Maski kapkapan n’yo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing pagatul-gatol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinukuha ang inyong pitaka.”
May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Martang gumapang sa kanyang katawan. Ang bata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak na naman ang kanyang kuwaderno at lapis. “Siguro’y matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo ay may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.
“Wala naman sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan.”
May himig pangungutya ang tinig ng pulis.
“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta.
“Maari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailangan ninyong iwan sa akin ang inyong pangalan at direksyon ng iyong bahay upang kung mangailangan ng ulat ng pag-aayos ay mahingan namin kayo ng ulat.”
Ibinigay ni Aling Marta ang kanyang pangalan at tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulung-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot ng alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ngayon ng walang tiyak na patutunguhan. Naalaala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuwi na, sana’y naiuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot.  Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sa sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay. Katakut-takot na gulo at kahihiyan! sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uulapang diwa sa bangkay ng batang natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.
Kung hindi sa tinamaan na lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi’y umbi, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa tabi ng iba. Mabuti nga sa kanya!
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka … saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa mabilis niyang paghahangad na makapagdala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa kapwa na sila ay hindi naghihirap, ngunit lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililingid din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo at ano mang pangangatwirang gawin niya ay siya rin ang sisisihin nito sa dakong huli; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay ililihim niya ito. At tungkol sa ulam, mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Goryang at iyon ang kanyang ipamimili; nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at ang halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung piso ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa maninipis na labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.
Tanghali na nang siya ay makauwi. Sa daan pa lamang, bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natatanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ang minamasdan, ngunit nang malapit na siya at makita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob sa kabahayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.
“Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nana?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.
“E … e,” hindi magkantututong sagot ni Aling Marta. “Saa pa kundi sa aking pitaka.”
Nagkatinginan ang mag-ama. “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa, “ang pitaka mo, e, naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan?”
Biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito: Maski kapkapan niyo ako, e, wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang kanyang buong paligid; at bago siya tuluyang nawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?



Pasasalamat:
            Nagpapasalamat ako sa Pandiwa.com dahil sa kanila ko nakuha ang kopya ng kuwentong ito, maraming salamat po.
Repleksyon:
               Dito sa kuwentong ito maraming matatamaan dahil tayong mga tao hindi natin maipagkakaila na mapanghusga tayo, lalo na ngat ang tinitingnan natin sa tao ay ang pisukal nitong kaanyuan. Kaya sana nga mabasa ito ng maraming pilipino upang mamulat sila sa katutuhanan na ang panghuhusga o pamimintang sa isang tao na hindi naman natin lubusang kakilala ay hindi makakadulot ng maganda sa atin.