Linggo, Hulyo 8, 2012


 
Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.
"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.
"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."
"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."
Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."
Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"
"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.
"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.
"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.
"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Huwebes, Hulyo 5, 2012



                           
  BUOD NG MGA IBONG MANDARAGIT (1969)

                                                  Amando V. Hernandez


Si Andoy ay alila sa bahay ni Don Segundo Montero. Ipinapiit si Andoy ng Donsa Hapones sa suplong na isa siyang gerilya. Nakatakas si Andoy at sumama siya sa mga gerilya. Natulog siya sa bahay ni Tata Matias sa kabundukan. Si Tata matias ang nagturo kay Andoy sa panig ng dagat pasipiko na pinagtapunan ni pari Florentino sa kayamanan ni Simoun. 

Nasisid ni Andoy ang kayamanan ni Simoun sa tulong ng dalawa pang mga gerilya, sina Karyo at Martin. Si Karyo ay namatay nang makagat ng pating. Tinangka ni Martin na patayin si Andoy upang masolo ang kayamanan ngunit siya ang napatay ni Andoy. Nataga ni Martin sa pisngi si Andoy at ang pilat na ito ang nagtago sa tunay niyang pagkatao. Siya ay nagpabalatkayong si Mando Plaridel. 

Ipinasiya ni Mando na magtatag ng isang pahayagan, ang kampilan. Ang kaibigan niyang si Magat ang siyang namahala sa pahayagan. Bumili ng bahay sa Maynila si Mando at dito na nanirahang kasama si Tata Matias upang lubos na mapangalagaan ang Kampilan. Dahilan sa kulang siya sa karunungan, naisipan ni Mandong maglibot sa daigdig at magpakadalubhasa sa karunungan. Bago umalis, kinausap ni Mando si Tata Pastor na amain niya at ang pinsan niyang si Puri. Walang kamalay-malay ang dalawa na siya ay si Andoy. Sinabi ni Mando na siya ay tutungo sa ibang bansa ngunit lagi siyang susulat sa mga ito. 

Sa Paris nakatagpo ni Mando si Dolly Montero, anak nina Donya Julia at Don Segundo na mga Dati niyang amo noong panahon ng Hapon. Nagkalapit sila ni Dolly nang ipagtanggol niya ito sa isang dayuhang nagtangkang halayin ang dalaga. Napaibig ni Mando si Dolly at nagpatuloy siya sa Amerika. Pagkagaling sa Amerika, umuwi si Mando sa Maynila. 

Nasa Pilipinas na rin si Dolly at minsan ay inanyayahan nito si Mando na dumalo sa isa nilang handaan. Ipinakikilala ni Dolly sa mga panauhin si Mando na isa sa mga iyon ay ang Presidente. Nagkaroon ng masasakit na komentaryo ukol Sa kampilan at sinabi ni Mando na ang pahagayan niya ay nagsabi lamang ng pawang katotohanan. Pinaratangan ng mga naroon na laban sa administrasyon ang Kampilan. 

Nalaman ni Mando na hindi na Si Tata Pastor ang katiwala ni Don Segundo. Ang mga magsasaka ay lalong naghirap. Isang Kapitan Pugot ang ipinalit ng Don kay Tata Pastor. 

Nagdaos ng isang pulong ang mga magsasaka sa asyenda. Naging tagapagsalita pa si Mando, Si Tata Pastor at si Senador Maliwanag. Tapos na ang pulong at nasa Maynila na si Mando nang masunog ang asyenda. Pinagbibintangan ang mga magsasaka at kabilang si Tata Pastor at nahuli at binintangan lider ng mga magsasaka. Lumuwas si Puri at ipinaalam kay Mando ang nangyari. Ginawa naman ni Mando ang kanyang makakaya at nakalaya ang mga nabilanggo. Samantala si Puri ay hindi na pinabalik ni Mando sa lalawigan. Itinira niya sa isang dormitoryo ang dalaga at pinagpag-aral ito ng political Science sa U.P. 

Minsan ay dinalaw ni Mando si Puri sa tinitirahan. Noon tinanggap ni Puri ang pag-ibig sa Mando. Sa wakas ipinagtapat ni Mando kina Tata Pastor at Puri na siya si Andoy na malayong kamag-anak. Hiniling niya kay Tata Pastor at Puri nasiya si Andoy na malayong kamag-anak. Hiniling niya kay Tata Pastor na makasal sila ni Puri. 

Minsan ay dumalo si Mando sa isang komperensiya para sa mga patnugot ng mga pahayagan . Nalaman ni Dolly na naroon siya kaya inanyayahan sa kanilang bahay. Nakilala ni Don Segundo si Mando at nagkapalitan sila ng masasakit na salita. Dito ipinagtapat ni Mando sa siya ay si Andoy na dating alila roon . Noong una ay ayaw maniwala ni Dolly ngunit nang ulitin iyon ni Mando ay buong hinagpis na tumangis si Dolly. 

Sa tulong ng pahayagang Kampilan at ng himpilan ng radyong ipinatayo ni Mando, patuloy na tinuligsa ni Mando ang mga masasamang pinuno ng pamahalaan. Nalaman ni Mando na si don Segundo pala ay puno ng mga smugglers. Hindi nagtigil si Mando hanggang sa maipabilanggo niya si Don Segundo.                                    

                                                         

                                                    

jaguar


 
                                                           Jaguar
  


Jaguar(KUwENTO) Oras ng labasan. Nagbu-bundy clock ang mga papalabas na mga MANGGAGAWA. Nasa tabi ng desk ng security guard ang bundy clock. Nakauniporme si POLDO, nakaupo sa gilid ng desk. May kasama syang GUWARDIYANG BABAE. Iniiksamin nilang dalawa ang mga bag ng mga trabahador. Ang mga lalaki'y kinapkapan ni Poldo. Dadaan si SONNY, may bitbit na attach case. Sasalubungin siya ni Poldo. Itataas ni Poldo ang palad sa harap ng mga nakapilang manggagawa, parang pulis na nagpapatigil ng trapik. Ang ekspresyon sa mukha ni Poldo ay parang nagsasabing: relaks lang muna kayo riyan; boss ito at dapat unahin. Uunahan ni Poldo si Sonny. Ipagbubukas ito ng salaming pinto. EXT. GASTON PUBLISHING HAPON. Susunod si POLDO hanggang sa kotse ni SONNY. Bubuksan ni Sonny ang pinto ng kanyang kotse. Hahawakan ni Poldo ang pinto habang pumapasok si Sonny. Saka sasarhan ang pinto matapos makaayos ng upo si Sonny. POLDO: Sir, sa Linggo, ha? Baka nyo makalimutan. SONNY: Ano'ng sa Linggo? POLDO: Yung piyesta sa'min. SONNY: Piyesta..a, oo. Hindi ko makakalimutan 'yan. Sasaludo uli si Poldo. Tatakbo patungo sa labasan ng driveway. Pasenyas- senyas at pasilba-silbato, pahihintuin niya ang trapik sa kalsada para makalabas ang kotse ni Sonny. EXT. SLUM AREA 1. TANGHALI Piyesta sa komunidad. May kaunting banderitas na nakasabit. Sa harapan at lob ng mga bahay- bahay, MARAMING nagkakainan, nag-iinuman, at nagkakaingayan. EXT. BAHAY NINA POLDO. TANGHALI Nakatayo si POLDO sa harap, may inaabangan at mukhang inip na inip. Bihis na bihis siya. May hawak na bote ng beeer at kakaunti na ang laman. Sa background, MAY MATANDANG MAG- ASAWA AT DALAWANG APONG nakaupo sa dalawang mahabanh bangko kumakain. Kinakausap ng TIYUHIN ang matandang lalaki. Ang TIYAHIN NI Poldo at si MARISSA ay may dalang nga bandehado ng mga ulam at nag-aalok ng mga bisita na kumuha pa. Tinutukso-tukso ni totoy ang dalawang apo- kinakalabit ang batok, pinipitik ang tenga. Nasa isang tabi ang mesitang ginagamit ng tiyuhin sa trabaho. Malinis ito ngayon, walang nakapatong na mga kagamitan ng sapaterya. Sa tabi nito, may mahabang dram na natatakpan ng sako. Uubusin ni Poldo ang laman ng hawak na bote. Lalapitan ang mahabang dram. Ititindig ang basyo sa tabi ng dram. Hahawiin ang saka. Ang laman ng dram ay mga bote ng serbesa at malalaking tipak ng yelo. Kukuha si Poldo ng isang malamig na bote. Bubuksan niya ang bote sa pamamagitan ng ngipin. Iluluwa ang tansan. Tututungga siya. Habang ginagawa ito ni Poldo. Sa background ay makikitang lumalabas sa pinto ng bahay ang kapatid niyang si AIDA, kasama ang isang pulutong ng mga kaklase. Maingay at masaya, nagpapaalam kay Aida ang mga kaklase. Papasok sa bahay si Poldo, kasunod si Marissa. INT. BAHAY NI POLDO. TANGHALI Sa mesa ng komedor-kusina, nakalatag ang maraming pang ibang bandehado ng pagkain, puro may takip na wax paper. Nasa banggerahan si ALING ELENA, naghuhugas ng pinggan. ALING ELENA : Wala pa ba ang nga bisita mo, Poldo? POLDO : (Ngumu-nguya) Wala pa ho, e. MARISSA : Hindi kana siguro sisiputin no'n kuya. Class yata yong boss mo, e. Hindi 'yon ang tipong tumutuntong sa barung-barong. POLDO : Oy, wag ka ngang sumali sa usapan ng matatanda, ha? MARISSA :Sayang ang pinambili mo ng beer. Sana kuwatro kantos nalang ang binili mo, Tayu-tayo lang pala ang iinom. POLDO :Ako ba'y talagang niloloko mo? ALING ELENA :Poldo, kumain kana. Pasado ala-una na, baka ka malipasan. Tapos na kaming lahat. POLDO :Kumakain na nga ho. Ano pa ba 'tong ginagawa ko? ALING ELENA :Ba't hindi ka kumuha bg pinggan at umupo nang maayos? Maiimpatso ka niyan sa ginagawa mo. Tamo, ni hindi ka nagkakakain. Ang dami naming kanin diyan. Nagsasalita pa si Aling Elena ay maririnig na ang boses ng TIYUHIN mula sa labas. TIYUHIN : (Voice over ) Poldo! Mga bisita mo! Eto na! (sa mas mahinang boses) Tuloy na ho kayo, nasa loob ho si Poldo. Aida samahan mo ang mga bisita ng kuya mo. Mabilis na isusubo ni Poldo ang kapirasong ulam na hawak niya. Ipapahid ang daliri sa gilid ng mantel. Lakad-takbong pupuntahan ang pinto. Hustong pumapasok naman si Aid, kasunod sina SONNY, DIREK, CRISTY, EDMON, JING at BOSYO. Si Sonny ay may hawak na bote ng stateside whisky. POLDO : Tuloy kayo, tuloy. Akala ko hihiyain n'yo ko e. SONNY : (inaabot ang bote ng whisky kay Poldo) Pwede ba 'yon? Eto nga't may pasalubong pa ako. POLDO :'Nay mga….kaibigan ko…Boss ko ho, si…a…si Sonny. ALING ELENA :Magandang tanghali po. SONNY :Magandang tanghali po naman. ALING ELENA :O, Poldo, bigyan mo ng mga pinggan yang mga bisita mo. Aida, Marissa, tumulong muna kayo rito. 'Yong mga napkin, ilabas niyo. Habang kumukuha ng mga pagkain sina Sonny, abalang-abala si Poldo sa pag-iistima sa kanila. Excited sya, tuwang-tuwa. Si Cristy ay walang ekspresyon sa mukha, parang napilitan lang sa pagkakapunta rito. Si Sonny naman ay parang pulitikong nasa kanyang balwarte.

POLDO :Itong morkon, Sonny, Direk - ito ang ispesyalidad ni inay. Cristy, kuha lang, ha? Jing, Edmon, abot lang. Bosyo. SONNY :O, Cristy, tikman mo raw 'tong morkon. Ikaw Poldo, huwag kang mahihiya,ha? Feel at home. EXT. BAHAY NINA POLD. HAPON. Malakas ang tawanan, parang karugtong ng tawanan sa nagdaang sequence (Eksena). Nagtawanan ang mga LALAKING BISITA ni Poldo. Lasing na ang lahat. Nakaupo sila sa magkaharap na bangko. Nasa gitna nila ang mesita ng sapatero. Nasa ibabaw nito ang bote ng beer; isang mangkok na na may lamang halos tunaw nang yelo; isang bandehadong pulutan. Nakatayo si Poldo sa may likuran ni Sonny, parang anghel de la guwardiya. Sa background, makikitang nakabukod si Cristy, kinukwentahan at iniistima ng husto ng Ina at mga kapatid ni Poldo. Nakikinig lang si Cristy. DIREK :( Iaabot kay Poldo ang mangkok)Wala na tayong yelo, Jaguar. Sa mababang dram, magtitipak ng yelo. Ibinubuhos ni Direk ang natitirang laman ng whisky sa baso niya. Umiihi si Bosyo sa isang sulok. Kumakanta si Sonny - wala sya sa tono. SONNY : " Si Bosyo kung umihi, sumasagitsut pa nang konti.." Hagalpakan na naman ng tawa. Bigla, makakarinig sila ng mga hiyawan at pagkaingay sa di kalayuan. Mapapatingin ang lahat sa pinagmulan ng ingay. POV (point of view) NINA POLDO DALAWANG MATON nagmumurahan, naggigirian pormang magkakatirahan. Nakapaligid ang iba pang tambay at maton, nagmimiron, nanunulsullsol. Puro lasing ang mga ito. BALIK KINA POLDO Nakatingin pa rin ang lahat. Nakatayo na si Sonny. SONNY : Ano 'yon? POLDO : Wala 'yan. Talagang ganito dito kung piyesta- hindi nawawalan ng gulo. BALIK SA MGA MATON Biglang susugod ang ang isang MATON. Magkakasutunkan na ang dalawa. Titilapon si TAMBAY 1 sa hanay ng mga KABARKADA ng kalaban niya. Magsusuguran na rin ang mga barkada ni Tambay 1. BALIK KINA POLDO. Nakatayo na rin si Direk sa tabi ni Sonny.. SONNY : Labu-labo na brod. DIREK : Oo nga, brod. Magkakatinginan ang dalawa. Magtatawanan. Takang mapapatingin si Poldo sa kanila. Itataas nina Sonny at Direk ang kanilang mga baso, pagpipingkiin ang mga ito sa isang toast, at uubusin ang laman sa isang tungga. Pagkatapos, parang iidiyan na hihiyaw ang dalawa-"Yahoo!"- at mabilis na tatakbo papunta sa gulo. Saglit na mapapanganga si Poldo. Saka magmamadaling iiling-iling pa na para bang sinasabi sa sariling: eto na naman po kami. Patuloy lang sa pag-inom sina Edmon at Jing, parang walang napapansing kakaiba. Takot at nininerbiyos si Cristy. CRISTY : Sira-ulo talaga ang mga 'yon. JING :Magpapawis lang ang mga 'yon. Mag-aalis lang ng lasing. EDMON :'Yan ang katuwaan ng frat nila - rumble… CRISTY : Walang frat- frat ditto. Baka sila malagyan ng gripo sa tagiliran. Sa labu-labo, nakaawa pa sina Sonny at Direk habang nakikipagsuntukan at nakikipagbalibagan. Sinundan-sundan ni Poldo si Sonny. Seryoso si Poldo. Bahagi ito ng trabaho niyang ipagtanggol ang kanyang amo. Sa kasusunod ni Poldo, masusuntok sya ng kalaban ni Sonny. Matatawa si Sonny sa nangyari. Bibirahin ni Poldo ang nakasuntok sa kanya. Titilapon ito. Magpa-flying kick si Direk. Makakailag ang tinatarget nya. Sa halip, si Poldo ang tatamaan. Iilandang ito, babalandra sa isang tabi. Grogi at nakasalampak sa putikan, may biglang maaalalasi Poldo. Ilalabas nya ang silbato sa bulsa. Sisibato siya ng malakas at sunud-sunod. May mga sisigaw ng "Parak! Parak! Magpupulasan ang mga naglalabu-labo. Maiiwan sina Sonny, Direk at Bosyo. Pagtatawanan nila si Poldo sa kinalalagyan niya. Mapapaangil na rin si Poldo. INT. BAHAY NINA POLDO. GABI. Nasa harap ng salamin si Poldo. Naglalagay ng merthiolate sa mga pasa-pasa sa mukha. Titestingin niya kung matatag pa rin ang panga niya. Sa bangerahan, naghuhugas, naghuhugas ng pinggan sina AIDA at MARISSA. Nakahiga sa sahig si Totoy, tulog. MARISSA :Kuya, tulungan mo naman kami dito. POLDO :Kayo ang babae, kayo ang maghugas. AIDA :Bisita mo ang gumamit nito a! Habang nagaganap ang pag-uusap na ito, papasok si aling Elena. Bubuhatin niya si Totoy at panunuorin si Poldo. ALING ELENA :Bakit naman ganun yung mga bisita mo, Poldo? Naturingan pa namang may pinag-aralan e nakikihalo sa may gulo ng me gulo? POLDO :Nakainom lang ho 'yon. ALING ELENA :At bakit pati naman ikaw e nagsasasali? Mga tagarito pa sa'tin ang inaway mo. POLDO :Amo ko ho 'yong napalaban, Inay, kelangan e damayan ko. Trabaho ko ho 'yon. ALING ELENA :Aba'y trabaho na pala ang basag-ulo? Kung ganyan rin lang, mabuti pa e maghanap ka na ng ibang trabaho. Tatalikod sa salamin si Poldo at haharapin ang ina. POLDO :Inay, hindi ko ho ipagpapalit itong trabaho ko ngayon. Palagay ko ho, narito ang asenso ko. Ngayon pa lang swerte na ako. ALING ELENA :Suwerte? POLDO : (tuloy-tuloy lang, parang walang narinig) Biro nyo may amo akong ang turing sa akin e kaibigan. May kaya 'yan, may tinapos. Ako hanggang hayskul lang, mahirap pa sa daga. Pero ang tingin sa'kin, pantay lang….parang kapatid. MARISSA :Kapatid ba 'yong lagay na 'yon? Ang tingin ko inaatsoy-atsoy ka ke,e. Saglit na matititigilan si Poldo. Pagkatapos ay babaling sa kapatid na nanlilisik ang mga mata. POLDO :( NAGPIPIGIL NG GALIT) Ilang beses ko bang sasabihin sa'yong huwag kang makikihalo sa usapang matatanda.