Huwebes, Hulyo 5, 2012

jaguar


 
                                                           Jaguar
  


Jaguar(KUwENTO) Oras ng labasan. Nagbu-bundy clock ang mga papalabas na mga MANGGAGAWA. Nasa tabi ng desk ng security guard ang bundy clock. Nakauniporme si POLDO, nakaupo sa gilid ng desk. May kasama syang GUWARDIYANG BABAE. Iniiksamin nilang dalawa ang mga bag ng mga trabahador. Ang mga lalaki'y kinapkapan ni Poldo. Dadaan si SONNY, may bitbit na attach case. Sasalubungin siya ni Poldo. Itataas ni Poldo ang palad sa harap ng mga nakapilang manggagawa, parang pulis na nagpapatigil ng trapik. Ang ekspresyon sa mukha ni Poldo ay parang nagsasabing: relaks lang muna kayo riyan; boss ito at dapat unahin. Uunahan ni Poldo si Sonny. Ipagbubukas ito ng salaming pinto. EXT. GASTON PUBLISHING HAPON. Susunod si POLDO hanggang sa kotse ni SONNY. Bubuksan ni Sonny ang pinto ng kanyang kotse. Hahawakan ni Poldo ang pinto habang pumapasok si Sonny. Saka sasarhan ang pinto matapos makaayos ng upo si Sonny. POLDO: Sir, sa Linggo, ha? Baka nyo makalimutan. SONNY: Ano'ng sa Linggo? POLDO: Yung piyesta sa'min. SONNY: Piyesta..a, oo. Hindi ko makakalimutan 'yan. Sasaludo uli si Poldo. Tatakbo patungo sa labasan ng driveway. Pasenyas- senyas at pasilba-silbato, pahihintuin niya ang trapik sa kalsada para makalabas ang kotse ni Sonny. EXT. SLUM AREA 1. TANGHALI Piyesta sa komunidad. May kaunting banderitas na nakasabit. Sa harapan at lob ng mga bahay- bahay, MARAMING nagkakainan, nag-iinuman, at nagkakaingayan. EXT. BAHAY NINA POLDO. TANGHALI Nakatayo si POLDO sa harap, may inaabangan at mukhang inip na inip. Bihis na bihis siya. May hawak na bote ng beeer at kakaunti na ang laman. Sa background, MAY MATANDANG MAG- ASAWA AT DALAWANG APONG nakaupo sa dalawang mahabanh bangko kumakain. Kinakausap ng TIYUHIN ang matandang lalaki. Ang TIYAHIN NI Poldo at si MARISSA ay may dalang nga bandehado ng mga ulam at nag-aalok ng mga bisita na kumuha pa. Tinutukso-tukso ni totoy ang dalawang apo- kinakalabit ang batok, pinipitik ang tenga. Nasa isang tabi ang mesitang ginagamit ng tiyuhin sa trabaho. Malinis ito ngayon, walang nakapatong na mga kagamitan ng sapaterya. Sa tabi nito, may mahabang dram na natatakpan ng sako. Uubusin ni Poldo ang laman ng hawak na bote. Lalapitan ang mahabang dram. Ititindig ang basyo sa tabi ng dram. Hahawiin ang saka. Ang laman ng dram ay mga bote ng serbesa at malalaking tipak ng yelo. Kukuha si Poldo ng isang malamig na bote. Bubuksan niya ang bote sa pamamagitan ng ngipin. Iluluwa ang tansan. Tututungga siya. Habang ginagawa ito ni Poldo. Sa background ay makikitang lumalabas sa pinto ng bahay ang kapatid niyang si AIDA, kasama ang isang pulutong ng mga kaklase. Maingay at masaya, nagpapaalam kay Aida ang mga kaklase. Papasok sa bahay si Poldo, kasunod si Marissa. INT. BAHAY NI POLDO. TANGHALI Sa mesa ng komedor-kusina, nakalatag ang maraming pang ibang bandehado ng pagkain, puro may takip na wax paper. Nasa banggerahan si ALING ELENA, naghuhugas ng pinggan. ALING ELENA : Wala pa ba ang nga bisita mo, Poldo? POLDO : (Ngumu-nguya) Wala pa ho, e. MARISSA : Hindi kana siguro sisiputin no'n kuya. Class yata yong boss mo, e. Hindi 'yon ang tipong tumutuntong sa barung-barong. POLDO : Oy, wag ka ngang sumali sa usapan ng matatanda, ha? MARISSA :Sayang ang pinambili mo ng beer. Sana kuwatro kantos nalang ang binili mo, Tayu-tayo lang pala ang iinom. POLDO :Ako ba'y talagang niloloko mo? ALING ELENA :Poldo, kumain kana. Pasado ala-una na, baka ka malipasan. Tapos na kaming lahat. POLDO :Kumakain na nga ho. Ano pa ba 'tong ginagawa ko? ALING ELENA :Ba't hindi ka kumuha bg pinggan at umupo nang maayos? Maiimpatso ka niyan sa ginagawa mo. Tamo, ni hindi ka nagkakakain. Ang dami naming kanin diyan. Nagsasalita pa si Aling Elena ay maririnig na ang boses ng TIYUHIN mula sa labas. TIYUHIN : (Voice over ) Poldo! Mga bisita mo! Eto na! (sa mas mahinang boses) Tuloy na ho kayo, nasa loob ho si Poldo. Aida samahan mo ang mga bisita ng kuya mo. Mabilis na isusubo ni Poldo ang kapirasong ulam na hawak niya. Ipapahid ang daliri sa gilid ng mantel. Lakad-takbong pupuntahan ang pinto. Hustong pumapasok naman si Aid, kasunod sina SONNY, DIREK, CRISTY, EDMON, JING at BOSYO. Si Sonny ay may hawak na bote ng stateside whisky. POLDO : Tuloy kayo, tuloy. Akala ko hihiyain n'yo ko e. SONNY : (inaabot ang bote ng whisky kay Poldo) Pwede ba 'yon? Eto nga't may pasalubong pa ako. POLDO :'Nay mga….kaibigan ko…Boss ko ho, si…a…si Sonny. ALING ELENA :Magandang tanghali po. SONNY :Magandang tanghali po naman. ALING ELENA :O, Poldo, bigyan mo ng mga pinggan yang mga bisita mo. Aida, Marissa, tumulong muna kayo rito. 'Yong mga napkin, ilabas niyo. Habang kumukuha ng mga pagkain sina Sonny, abalang-abala si Poldo sa pag-iistima sa kanila. Excited sya, tuwang-tuwa. Si Cristy ay walang ekspresyon sa mukha, parang napilitan lang sa pagkakapunta rito. Si Sonny naman ay parang pulitikong nasa kanyang balwarte.

POLDO :Itong morkon, Sonny, Direk - ito ang ispesyalidad ni inay. Cristy, kuha lang, ha? Jing, Edmon, abot lang. Bosyo. SONNY :O, Cristy, tikman mo raw 'tong morkon. Ikaw Poldo, huwag kang mahihiya,ha? Feel at home. EXT. BAHAY NINA POLD. HAPON. Malakas ang tawanan, parang karugtong ng tawanan sa nagdaang sequence (Eksena). Nagtawanan ang mga LALAKING BISITA ni Poldo. Lasing na ang lahat. Nakaupo sila sa magkaharap na bangko. Nasa gitna nila ang mesita ng sapatero. Nasa ibabaw nito ang bote ng beer; isang mangkok na na may lamang halos tunaw nang yelo; isang bandehadong pulutan. Nakatayo si Poldo sa may likuran ni Sonny, parang anghel de la guwardiya. Sa background, makikitang nakabukod si Cristy, kinukwentahan at iniistima ng husto ng Ina at mga kapatid ni Poldo. Nakikinig lang si Cristy. DIREK :( Iaabot kay Poldo ang mangkok)Wala na tayong yelo, Jaguar. Sa mababang dram, magtitipak ng yelo. Ibinubuhos ni Direk ang natitirang laman ng whisky sa baso niya. Umiihi si Bosyo sa isang sulok. Kumakanta si Sonny - wala sya sa tono. SONNY : " Si Bosyo kung umihi, sumasagitsut pa nang konti.." Hagalpakan na naman ng tawa. Bigla, makakarinig sila ng mga hiyawan at pagkaingay sa di kalayuan. Mapapatingin ang lahat sa pinagmulan ng ingay. POV (point of view) NINA POLDO DALAWANG MATON nagmumurahan, naggigirian pormang magkakatirahan. Nakapaligid ang iba pang tambay at maton, nagmimiron, nanunulsullsol. Puro lasing ang mga ito. BALIK KINA POLDO Nakatingin pa rin ang lahat. Nakatayo na si Sonny. SONNY : Ano 'yon? POLDO : Wala 'yan. Talagang ganito dito kung piyesta- hindi nawawalan ng gulo. BALIK SA MGA MATON Biglang susugod ang ang isang MATON. Magkakasutunkan na ang dalawa. Titilapon si TAMBAY 1 sa hanay ng mga KABARKADA ng kalaban niya. Magsusuguran na rin ang mga barkada ni Tambay 1. BALIK KINA POLDO. Nakatayo na rin si Direk sa tabi ni Sonny.. SONNY : Labu-labo na brod. DIREK : Oo nga, brod. Magkakatinginan ang dalawa. Magtatawanan. Takang mapapatingin si Poldo sa kanila. Itataas nina Sonny at Direk ang kanilang mga baso, pagpipingkiin ang mga ito sa isang toast, at uubusin ang laman sa isang tungga. Pagkatapos, parang iidiyan na hihiyaw ang dalawa-"Yahoo!"- at mabilis na tatakbo papunta sa gulo. Saglit na mapapanganga si Poldo. Saka magmamadaling iiling-iling pa na para bang sinasabi sa sariling: eto na naman po kami. Patuloy lang sa pag-inom sina Edmon at Jing, parang walang napapansing kakaiba. Takot at nininerbiyos si Cristy. CRISTY : Sira-ulo talaga ang mga 'yon. JING :Magpapawis lang ang mga 'yon. Mag-aalis lang ng lasing. EDMON :'Yan ang katuwaan ng frat nila - rumble… CRISTY : Walang frat- frat ditto. Baka sila malagyan ng gripo sa tagiliran. Sa labu-labo, nakaawa pa sina Sonny at Direk habang nakikipagsuntukan at nakikipagbalibagan. Sinundan-sundan ni Poldo si Sonny. Seryoso si Poldo. Bahagi ito ng trabaho niyang ipagtanggol ang kanyang amo. Sa kasusunod ni Poldo, masusuntok sya ng kalaban ni Sonny. Matatawa si Sonny sa nangyari. Bibirahin ni Poldo ang nakasuntok sa kanya. Titilapon ito. Magpa-flying kick si Direk. Makakailag ang tinatarget nya. Sa halip, si Poldo ang tatamaan. Iilandang ito, babalandra sa isang tabi. Grogi at nakasalampak sa putikan, may biglang maaalalasi Poldo. Ilalabas nya ang silbato sa bulsa. Sisibato siya ng malakas at sunud-sunod. May mga sisigaw ng "Parak! Parak! Magpupulasan ang mga naglalabu-labo. Maiiwan sina Sonny, Direk at Bosyo. Pagtatawanan nila si Poldo sa kinalalagyan niya. Mapapaangil na rin si Poldo. INT. BAHAY NINA POLDO. GABI. Nasa harap ng salamin si Poldo. Naglalagay ng merthiolate sa mga pasa-pasa sa mukha. Titestingin niya kung matatag pa rin ang panga niya. Sa bangerahan, naghuhugas, naghuhugas ng pinggan sina AIDA at MARISSA. Nakahiga sa sahig si Totoy, tulog. MARISSA :Kuya, tulungan mo naman kami dito. POLDO :Kayo ang babae, kayo ang maghugas. AIDA :Bisita mo ang gumamit nito a! Habang nagaganap ang pag-uusap na ito, papasok si aling Elena. Bubuhatin niya si Totoy at panunuorin si Poldo. ALING ELENA :Bakit naman ganun yung mga bisita mo, Poldo? Naturingan pa namang may pinag-aralan e nakikihalo sa may gulo ng me gulo? POLDO :Nakainom lang ho 'yon. ALING ELENA :At bakit pati naman ikaw e nagsasasali? Mga tagarito pa sa'tin ang inaway mo. POLDO :Amo ko ho 'yong napalaban, Inay, kelangan e damayan ko. Trabaho ko ho 'yon. ALING ELENA :Aba'y trabaho na pala ang basag-ulo? Kung ganyan rin lang, mabuti pa e maghanap ka na ng ibang trabaho. Tatalikod sa salamin si Poldo at haharapin ang ina. POLDO :Inay, hindi ko ho ipagpapalit itong trabaho ko ngayon. Palagay ko ho, narito ang asenso ko. Ngayon pa lang swerte na ako. ALING ELENA :Suwerte? POLDO : (tuloy-tuloy lang, parang walang narinig) Biro nyo may amo akong ang turing sa akin e kaibigan. May kaya 'yan, may tinapos. Ako hanggang hayskul lang, mahirap pa sa daga. Pero ang tingin sa'kin, pantay lang….parang kapatid. MARISSA :Kapatid ba 'yong lagay na 'yon? Ang tingin ko inaatsoy-atsoy ka ke,e. Saglit na matititigilan si Poldo. Pagkatapos ay babaling sa kapatid na nanlilisik ang mga mata. POLDO :( NAGPIPIGIL NG GALIT) Ilang beses ko bang sasabihin sa'yong huwag kang makikihalo sa usapang matatanda.


 
                                                                                                                                                                                       



                                                       

1 komento:

  1. Sa kuwentong ito ay namumulat tayo sa katotohanan na hindi dapat ibigay ng basta basta ang iyong tiwala. Dahil ang tiwala ay dapat lamang ibigay sa karapat dapat na tao, at hindi sa taong pinagkakatiwalaan mo lang dahil may kaya o mayaman ito. kahit mayaman ang taong pinagkakatiwalaan mo ay walang mangyayari sayo kung hindi ka magsisikap at tumayo sa saarili mong mga paa.

    TumugonBurahin