Ang Alibughang Anak
"May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, "Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko." At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunsong anak ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at naghirap siya. Kaya namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Pinaparoon siya nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Ngunit nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, "Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila." Tumindig siya at nagtungo sa kanyang ama.
"Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya patakbo siyang sinalubong, niyakap at hinagkan. Sinabi ng anak, "Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak." Ngunit sinabi ng ama sa kanyang alila, "Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan."
Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: "Bakit? May ano sa atin?" Sumagot ito sa kanya, "Dumating po ang inyong kapatid! Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit." Nagalit ang panganay at ayaw pumasok. Kaya lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi niya, "Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!" Sumagot ang kanyang ama, "Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan."
Nagpapasalamat nga pala ako sa philSTAR.com dahil sa kanila ko nakuha ang kopya ng kuwentong ito maraming salamat po.
Repleksyon:
Napakaganda ng mensaheng ipinapabatid ng kuwentong ito hindi lamang para sa akin kundi para sa lahat ng mga taong makakabasa ng kuwentong ito.Nakakalungkot mang sabihin ngunit karamihan ng mga anak ngayon ay katulad ng alibughang anak na nasa kuwentong ito na pansariling kaligayahan lang ang iniisip, pero sana mabasa nila ang kuwentong ito upang mamulat sila sa katutuhanan, na ang pagsisisi ay laging nasa huli, kaya huwag gumawa ng disisyon na pagsisisihan mo sa bandang huli. Dahil minsan kung kailan tanggap na natin sa sarili natin na nagkamali tao at kung kailan pinagsisisihan na natin ang mga nagawa nating mga pagkakamali ,wala na tayung magagawa para mabago o matama ang mga pagkakamaling ito.
.
.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento