Miyerkules, Agosto 29, 2012

Dekada 70


                                Dekada 70                                                                                 

                    Ang Dekada 70 ay tumatalakay sa hangarin ng isang babae nag magkaroon ng sariling katangi-tanging pagkakakilanlan. 

Si Armanda Bartolome, sa simula ng nobela, ay isang karaniwang maybahay at ina, naghahanda ng kape ng asawa, at nangangalaga sa mga pangangailangan ng mga anak sa paaralan. 

Sa pagdaan ng mga araw, nakita ni Amanda ang mga pagbabago ng mga anak, lalo na si Jules. Ang pagkahilig ni Jules sa mga awiting nagsasaag ng pagkamakabayan ay nagtulak dito upang sumapi sa mga kilusang laban sa katiwalian ng gobyerno. Sinabi niya ito kay Julian ngunit nagwalang bahala lamang ito. Hindi nakatiis si Amanda. Sinigawan niya si Julian na takang-taka sa inasal niya. Nagkalamigan sila ni Julian. 

Unang linggo ng Mayo, taong 1974, nang nag-empake si Jules. Pupunta raw siya ng Bikol. Napasigaw si Amanda nang itinanong niya kung ano ang gagawin nito sa Bikol. Napatanga si Jules. Nagulat ito sa pagsigaw ng ina. May pang-uuyam na sinabi nito sa ina na makabubuting sumama ito at baka sakaling mamulat ito. Nasampal ni Amanda si Jules. 

Nahuli si Jules at dinala sa Kampo Crame. Dinalaw nila ito at doon narinig ni Amanda ang mga kabuktutang ginagawa ng mga sundalo. 

Samantala, nagpasya si Jason na huminto na sa pag-aaral. Dahil sa wala itong pinagkakaabalahan, halos nagpapaumaga ito sa mga babae. Isang gabi, may tawag na tinanggap sina Amanda at Julian. Nahulihan si Jason ng marijuana. Nagtanung-tanong sila sa mga presinto. Nalaman nilang pinalaya na ito ngunit hindi umuwi sa kanilang bahay. Pinaghahanap siya ni Em, na isa pa rin sa mga anak ni Amanda. Isang gabi, lumung-lumo itong umuwi at ibinalitang patay na si Jason. 

Ilang gabi nag-iiyak si Amanda. Napagtanto niyang walang silbi ang kanyang buhay. Nagpasiya siyang humiwalay na kay Julian. Ngunit hindi siya umalis. Naisip niyang marami pa silang dapat pag-usapan ni Julian. Simula iyon ng ng kanilang pag-uusap, ng kanilang pagkakaunawaan. 

Pinalaya si Jules. Ngunit ang kanyang pagkakalaya ay hindi nagpabago ng kanyang simulain. Ibinalik siya sa Kampo Crame. 

Nang ideklara ang pagbawi ng martial law, sabay-sabay rin pinalaya ang maighit sa tatlong daang bilanggong pulitikal. 

May kani-kanya nang buhay ang kanyang mga anak, mula kay Jules hanggang kay Binggo. Ngunit ngayon, hindi na siyang nag-aalalang hindi magtatagal at maiiwan na sila ni Julian. Natuklasan niyang may magagawa at maiaambag pa siya sa mundong ito. Nasisiyahan siyang pati si Julian ay namulat at tumutulong na rin sa mga gawaing para sa kapwa at bayan. 



Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y nagmamasid na sa mga nangyayari.
Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar.
Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan," wika nga ni Amanda.
Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's world."
Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran:
"Ang inyong anak ay hindi n'yo anak, Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo…" Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa!
At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do'n…Tutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?
Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya.
Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din."
Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada.
Unang naipakilala sa 'kin ang Dekada '70 noong Oktubre 1996 ni G. Christopher Amat, guro sa Komunikasyon sa College of Arts and Sciences ng University of Perpetual Help System-Laguna (UPHSL). Mula noon, hindi ko tinantanan ang pagbabasa ng aklat hanggang sa ito'y matapos ko sa loob lamang ng dalawang linggo.
Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan.
Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL, itinuring ko na ang nobela bilang nirerekomendang reading material para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng organisasyon.
Sa mga panahong gaya ng dekada 70-na dekada ng pagkamulat at pakikibaka-natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan ng bago.
Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalungat sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos."


Reflection;

              Sa pagtalakay natin sa akdang ito, namulat ako sa katotohanan na hindi pala tayo dapat tumunganga nalang kapag alam na natin na may gumagawa na ng kasamaan o may nagdikdikta na sa atin na hindi makabubuti pa sa sarili natin. Minsan kailangan nating parusahan kahit na ang gumagawa nito ay may katungkulan o namumuno sa ating bansa. Sana ang akdang ito ay mabasa ng maraming pilipino para maulat din sila at wag ng magbulag bulagan. Maging responsable po at gawin ang taman, sana maisip natin ito.
              Bago ko tapusin ang reflection kong ito nais kulang na magpasalamat sa wikianswer dahil sa kanila ko nakuha ang kupya ng dekada setenta. Maraming salamat po.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento